Sunday, December 2, 2018

Haring Midas

Haring Midas
(Mito mula sa Gresya)
ni Edith Hamilton
Salin ni Vilma Alcantara-Malabuyoc
Sinuri nila: Myles Tolete, Rajni Santos, Marinela Labay, Jeremie Anzures


    1.  PAGKILALA SA MAY-AKDA
               Si Edith Hamilton ay isang Amerikanang guro at isang awtor ng mga klasikong akda na kilala sa buong mundo noong kapanahunan niya sa Estados Unidos. Ang nag-udyok sa kaniyang isulat ang akda ay ang kaniyang ama. Ang kaniyang ama ang nagpakilala sa mga klasiko noong siya'y bata pa lamang kung kaya't nahilig siya rito.


     2.  URI NG PANITIKAN
               Ang Haring Midas ay isang mitong nagmula sa Gresya. Ang mga mito ay isang uri ng panitikan na ontolohikal, naka-base sa kultura o paniniwala ng mga tao at ang mga karakter dito ay mga diyos at diyosa. Ito ay nakasulat sa paraang tuluyan, ibig sabihin ay tulad ng pangkaraniwang paraan ng pagbuo ng pangungusap sapagkat ito ay isang kwento. Ito ay naging paraan upang madaling maintindihan ang takbo ng kwento at ang mensaheng ipinaparating nito.


     3.  LAYUNIN NG AKDA
                Ang akda ay naglalayong iparating o ibahagi sa mga mambabasa na dapat lahat nang ating desisyon ay dapat pinag iisipan nang mabuti at kung ano man ang kalabasan ng ating desisyon ay dapat nating panindigan. Kung ang desisyon ay mali, ito ay pagsisihan at magsumikap upang ito’y gawing tama. Tulad na lamang ni Haring Midas na nagkamali sa kaniyang desisyon at nagkaroon ng pang habang buhay na kaparusahan bilang kapalit nito.


          PAGLALAPAT NG TEORYANG PAMPANITIKAN
          Malalapat ang sumusunod na Teoryang Pampanitikan sa akda:
               • Moralistiko – dahil ang akdang ito  ay magbibigay aral sa mga mambabasa upang maging batayan sa wastong pamumuhay. Napakita ito sa bahagi ng storya noong humiling si Haring Midas kay Dionysus at kahalan sa desisyon na nagbunga ng mga kaparusahan. 


     4.  TEMA O PAKSA NG AKDA
          Ang tema ng mito ay tungkol sa mga sumusunod
               •Kahangalan o hindi paggamit ng karunungan sa mga ginawang desisyon
               •Pagiging gahaman


     5.  MGA TAUHAN/KARAKTER SA AKDA 
                Ang pangunahing tauhan ay si Haring Midas, isang haring hindi ginagamit ang kanyang isip nang tama at mas pinipili ang kayamanan. Ang katauhan ni Haring Midas ay naging daan upang maipahayag ang aral sa teksto na dapat gamitin nang wasto ang kaisipan upang hindi magkamali at mahirapan sa buhay. Ang diyos ng panlunas naman na si Apollo ay sumisimbolo sa makapangyarihang tao sa lipunan na maaaring magpahamak sa mga taong kumokontra sa kanya. Si Silenus, ang alagad ni Dionysus, naman ang sumisimbolo sa daan upang magkaroon tayo ng koneksyon sa mga taong tutulong sa atin upang maabot ang ating mga pangarap.
Si Dionysus, ang diyos ng alak, ang sumisimbolo sa mga taong tumutulong sa atin upang makamit ang ating gusto sa buhay. Ang tagapaglingkod naman ni Haring Midas na naggugupit ng kanyang buhok ay sumisimbolo sa mga taong ating pinagkakatiwalaan, ngunit tayo ay binibigo.



     6.  TAGPUAN/PANAHON
                Si Haring Midas ay isang hari na mula sa Phrygia (Lupain Ng Mga Rosas) na matatagpuan sa Turkey. Walang nabanggit na panahon kung kailan naganap ang mga pangyayari sa kwento.


     7.  NILALAMAN O BALANGKAS NG MGA PANGYAYARI
                Kapag binasa mo ang kwento, mapapansing unti unting lumalalim ang ating pagkakaunawa sa akda mula sa simula hanggang sa wakas at dahil dito ay naiintindihan natin ang personal na buhay ng pangunahing karakter.
                Ang ilang pangyayari sa akda ay karaniwan at ang ilan naman ay hindi pang-karaniwan. Ito’y positibo at nagbibigay ng karunungan ang may-akda sa pamamagitan ng pag iiwan ng aral ng kwento na: ang paulit ulit na kahangalan ay may karampatang kaparusahan.


     8.  MGA KAISIPAN O IDEYANG TAGLAY NG AKDA
          Ang mga sumusunod ay mga ideya o kaisipang taglay ng akda:
                •Huwag maging gahaman sa halip, matutong makuntento sa mga bagay na mayroon tayo ngayon.
                •Gamitin ang karunungan sa pagdedesisyon upang hindi magsisi sa huli.
                •Lahat ng ating desisyon ay may kapalit, maganda man o masama. Ngunit, kailangan natin itong tanggapin sapagkat ito’y isang desisyong ating ginawa.


     9. ESTILO NG PAGKAKASULAT NG AKDA
                Epektibo ang pamamaraan ng pagamit ng mga salita at angkop ang antas  ng pag unawa ng mga mambabasa dahil gumagamit ng kakaunting talinhaga ang may akda kung kaya't hindi masyadong nahihirapan ang mga mambabasa unawain ang akda. 


     10.  BUOD
                Ang mito ay tungkol sa isang haring ninais na maging ginto ang lahat ng kaniyang hahawakan dahil sa labis na pagiging gahaman at kahangalan. Hindi nagtagal, dahil sa kaniyang mga ginawang desisyon bunga ng labis na kahangalan siya'y naparusahan.



No comments:

Post a Comment